Ang araw ng Kalayaan.

*Dahil ngayon ay araw ng Kalayaan ng Pilipinas, napagdesisyunan kong magsulat sa Tagalog.


Kahapon nang pauwi ako sa bahay, tahimik akong naka-upo sa kotse habang nagmumuni-muni at pinagmamasdan ang mga taong nasa paligid ko.

Ang mga taong nagmamaneho sa kasabay naming kotse. Ang kapwa ko Pinoy na naglalakad sa tabi ng kalsada at tila parang nakangiti. Ang mga trabahador na naglilipat ng gamit sa kanilang trak papunta sa loob ng isang tindahan. Ang mga mekanikong nag-aayos ng kotse sa autoshop.

Pinagmasdan ko silang mabuhay sa isang sekundong kurap ng aking mata. Buhay. Ano ba talaga ang buhay…


Matagal na mula nung nagawa ko iyon. Nitong mga nakaraang araw, hindi ko na pinapakailaman ang mga nangyayari sa paligid ko. Hinahayaang lumipas ang mga minuto sa loob ng kotse na walang napapansin, at walang iniisip kung hindi “Isa nanamang araw.” Wala na akong ibang isinasaisip kung hindi ang aking puot.


Parati kong sinasabi na kailangan ko ulit mabuhay. Kailangan kong maramdaman na buhay ulit ako. Naghahanap ng pagkakataong tumalon sa bangin. Ngunit hindi para mamatay. Kung hindi para maranasan, kahit sa isang saglit lang, ang totoong esensya ng aking pagkatao. Kung sino ba ako. Kung ano ang mawawala sa mundo. Kung ano ang nawawala saakin sa pagpawalang halaga ko sa aking sarili, at sa bawat segundong tumatakbo sa aking buhay.

Napaisip ako. Ito ang buhay. Hindi na dapat humangad pa ng kahit na anong ekspiryensya para maramdaman ito, dahil dadating ito sa tamang panahon. Ito ang buhay. Ang ngayon. Ang bawat paghinga at paggalaw ko…Dito ko dapat maramdaman na ako ay buhay.


AKO AY BUHAY.
Kinailangan kong ulit-ulitin sa aking sarili ng ilang beses.
AKO AY BUHAY.

Ako ay isang tao. Isang taong may karapatan, at may layang maging masaya. Maghangad kung ano ang dapat ay saakin. Isang tao. Na dapat makita ang sariling halaga. Hindi sa mundo. Kung hindi sa sarili. Nilalang ako. Hindi ng bansang Pilipinas. Hindi ng mundo. Kung hindi ng Diyos. Nilalang akong ginawa Niya at binigyan ng regalo ng buhay. Binigyan ng pagkakataong ipakita sa Kanya na ako’y karapatdapat para sa Kanyang pangako.

Ito ang buhay. Ngunit hindi ito ang totoong mundo. Ang lahat ng ito ay mawawala. At sa dulo ng lahat, isa lang ang matitira.


SIYA.




Maraming pang dapat pagdaanan. Maraming luha. Maraming tawa. Maraming masasaya. Maraming malulungkot. Maraming pakirdamdam na parang mamamatay ka na sa susunod na limang minuto. Maraming pakiramdam na parang wala nang mas magaganda pa sa kasalukuyang panahon.

Ang importante, ang maisip natin...ang mabuhay.
Mabuhay ngayon.
- Abbie Almasco


0 comments: